Huwebes, Pebrero 27, 2014

TALAARAWAN: ika- 17 ng Pebrero; 2014; Lunes

“Sabi nga nila, tumitigas ang lupa pagkatapos ng malakas na ulan”
        ---Lola ni Prinsipe Gian sa Korean Novela na Princess Hours

Sinabi ito ng lola ni Gian sa ama ni Gian upang patungkulan ang pagkakasangkot ni Gian sa isang kaso at nangangamba na baka hindi kayanin ng kanyang anak ang sitwasyon.
Napakaganda ng ibig sabihin ng pahayag niyang ito. Nangagahulugan lang na may darating talaga sa ating buhay na isang napakalakas na bagyo upang tayo bilang mga lupa sa pahayag ay tumigas o tumibay pa. Kadalasan ang tao ay hindi sanay sa mga pagsubok at naghahanap agad tayo ng masisisi upang mabawasan ang bigat. Pero hindi natin lubos makita ang positibong epekto nito sa ating buhay pagkatapos ng bagyo.
Sa pinakabagong balita ngayon ay tungkol sa Bagyong Yolanda, na kung saan kumitil ng napakaraming buhay at sumira ng libo-libong tahanan. Maraming nanlumo at naawa sa mga nakasurvive sa isa sa pinakamalakas na bagyong ito. Hanggang ngayon pinipilit bumangon ng mga nasalanta na nangangahulugang pinalakas sila ng bagyo at pinatibay ang loob na kaya pala nila kahit ang pinakamalakas na bagyo pa.
Hindi ba’t hindi lang literal na bagyo ang mga pagsubok na dumarating sa ating buhay? Nariyan ang mawalan ng mahal sa buhay; ang masunugan ng tahanan; ang malugi sa negosyo; at marami pang iba. Kung sa mga mag-aaral naman- ang mawala sa top students; ang bumagsak sa isang subject; ang hindi makapasa sa periodical test at marami pa ring iba. Pero hindi ba’t dahilan ito upang lalo nating pahalagahan ang ating mga mahal sa buhay; dahilan para mas lalong mag-ingat sa mga gamit sa bahay; at dahilan para maging mas lalong maingat sa pagpapatakbo sa mga negosyo. Sa mga mag-aaral hindi ba’t naging dahilan ito upang mas lalong pagbutihin ang pag-aaral upang bumalik sa top students; dahilan upang mas mag pokus sa isang subject na bagsak ka; at dahilan para mas paghandaan ang periodical test. Madalas hindi natin napapansin na ang mga pagsubok pa lang ito ang nagpapatibay at nagpapalakas sa atin.

Sabi sa nabasa kong libro, Life has its spices and it is problems . Nangangahulugan lang na tama ang sinabi ng lola ni gian, darating at darating talaga sa atin ang malakas na bagyo nasa sa atin na lang kung paano natin ito haharapin. Dapat natin itong gawing instrumento upang lalo tayong maging mas malakas at produktibong mamamayan.

TALAARAWAN: ika-16 ng Pebrero;2014; Linggo

Source: http://youngpiyang.wordpress.com/2012/03/14/dont-judge-the-book-4/

Atensyon Ang Kailangan, Basahin Din Minsan
              
        Nakatambak, inaalikabok, madumi at taglay ang mga bookworm ng mga libro sa ating bahay at kadalasan konti na rin ang gumagalaw sa kanila sa mga aklatan. Kung tao at may isip daw ang mga libro malamang ay nagtampo na ito dahil hindi na sila napapansin ngayon at kadalasan ay tinatambak na lang.
                Sa modernong panahon ngayon, napakadami ng teknolohiyang makapagbibigay sa atin ng mga impormasyon sa mas mabilis na paraan. Sa isang click sa google at Wikipedia makikita mo na ang sagot sa mga assignments mo. Sa ilang piso mo lang mahahanap mo na ang impormasyong gusto mo. Totoong ngang napakadali ng pagkuha ng impormasyon sa mga teknolohiyang ito, pero ika nga nila, reliable ba? Tama ba? Hindi naman talaga natin alam kung tama at reliable o hindi ang mga ito dahil kahit sino ay pwedeng magbigay ng impormasyon dito.
                Nauuso na rin ngayon ang eBook o electronic book na kung saan mababasa ang mga gusto mong libro sa computer o pwede na rin ngayon sa cellphone. Oo’t para ka na ring nagbabasa ng tunay na libro kapag nagbasa ka gamit ang eBook pero ang malaking problema “parang” lang, ibig sabihin hindi eksakto  sa sitwasyon mo kapag nagbasa ka sa tunay na libro. Nagdudulot pa ito ng iba’t ibang sakit sa mata at katawan kapag patuloy mo itong ginagawa. Hindi ba’t gagastos ka din ng pera kapag nag rent ka ng computer sa computer shop?

                Ang mga nakatambak, inaalikabok, at mga maduming libro ay naghihintay lang sa iyo at sa atin upang mapansin dahil katulad ng iba, atensyon ang kailangan nila. Wag din natin kalimutang laanan ng oras para basahin sila.

TALAARAWAN: ika-15 ng Pebrero; 2014; Sabad


Ugat Ay Hindi Laging Kapalaran
                Ang mga puno ay may ugat, ang mga halaman, damo atbp ay may ugat. Lahat ng bagay sa mundo ay may ugat at kasama na rito ang mga tao. Oo, tayo ay may mga ugat din- ito ang mga pinagmulan natin.
                Sa mundo may dalawang estado sa buhay- ang mahirap at mayaman. Mapalad ang nagtagumpay at yumaman sa mundo. At sawi naman ang mga naghirap sa mundo. Kung babalikan natin ang nakaraan ng mga nagtagumpay sa lipunan, mapapansin natin na halos lahat sila ay galling sa mahihirap at kaunti lamang sa kanila ang pinalad na maipanganak na mayaman. Lahat sila ay nagsumikap, nagtiyaga, at nagpursige upang maiahon ang kanilang mga sarili sa kanilang ugat bilang mahirap. Nakaranas sila ng pang-aapi ng higit na may pera sa kanila. Nakaranas sila ng kalupitan ng mundong pinapaikot ng salapi. Pero ang mga karanasang ito ang nagpatibay sa kanila, ang dahilan kung bakit ninais nilang magtagumpay at makatulong sa kapwa nilang nasa dati nilang sitwasyon. Oo, tama pinili nila-pinili nilang mag-aral ng mabuti nang sa ganun ay mai-angat nila ang estado nila sa buhay.
                Kung susuriin naman natin ang nakaraan ng halos lahat ng mga mahihirap sa mundo, mapapansin natin na ang kanilang magulang; lolo at lola; at magulang ng kanilang mga lolo at lola ito’y mahihirap din. Hindi na nila minsan pang sinubok na ibahin ang kanilang estado dahil napaniwala sila na ito ang kanilang ugat at isinabuhay bilang kanilang kapalaran. Nanindigan sila na iyon ang kanilang kapalaran at wala silang kakayahang pumili at baguhin ito. Mas pinili nilang lamnan ang tiyan kaysa utak. Mas pinili nilang harapin lang ang ngayon lang kaysa paghandaan din ang hinaharap. Bakit? Simple lang dahil sa maling pananaw sa buhay. Nanatili silang naniniwala na mahirap sila at hindi nila kayang i-angat ang sarili sa lipunan. Pinili nila na husgahan sila batay sa kanilang mga ugat. Pinili nilang mabuhay batay sa kanilang ugat. At higit sa lahat karamihan sa kanila, piniling pumanaw nang hinidi umaalis sa kanilang ugat.

                Ang dalawang tauhan ay may parehas na ugat ngunit magkaiba ng kinahinatnan. Ang isa ay naging mayaman at ang isa naman ay nanatiling mahirap. Ito ay nangangahulugan na ang ating mga ugat ay hindi nagtatakda ng ating kapalaran dahil lahat ng pangyayari sa buhay natin ay ating pinili at ginusto. 

Linggo, Pebrero 23, 2014

TALAARAWAN: ika-14 ng Pebrero; 2014; Biyernes

        Ngayong araw ay ginanap ang Juniors and Seniors Promenade sa paaralan namin.  Isa ito sa inaabangan at kinasasabikang maranasan ng mga highschool students. Sabi nga ng ilan hindi kumpleto ang highschool life kung hindi mo naranasan ang JS Prom. Napakasaya ng gabing ito. Nakita ko ang mga kamag-aral ko na mag-ayos para sa aming pinakahihintay na gabi. 
        Isa ang gabing ito sa sinasabing gabi ng mga puso.At bilang araw at gabi ito ng mga puso narito ang isa sa mga sanaysay na nagawa ko namay kaugnayan sa pag-ibig pa rin.
Source:http://www.idlehearts.com/true-love-is-worth-waiting-for-even-if-it/141
                                  True Love
       Araw-araw,oras-oras, minu-minuto at segu-segundo ay tumitibok ang ating puso. Tumitibok ito para mabuhay tayo at syempre para magmahal.Lahat tayo ay nagmahal, minahal, At patuloy na nagmamahal at minamahal.Unang minahal ng ating mga magulang ang isa't isa kung kaya't nabuo tayo.Sumunod tayong minahal at patuloy na minamahalng ating mga magulang kung kaya't hinayaan nila tayong makita ang mundo.At syempre tayo naman ngayon ang naghahanap ng magmamahal sa atin bukod sa ating pamilya. Lahat naman siguro ang hanap ay panghabangbuhay na relasyonkung kaya't madalas nating hinahanap ang ating "true love". Sino ba siya? Saan ba siya matatagpuan? Kailan ko ba siya makikita?
        Sa sobrang pagpapahalaga natin sa ating pagmamahalnagkaroon ng espesyal na araw ng mga puso. Araw na kung saan malaya mong maipapahayag ang iyong pagmamahal sa isang tao. Araw din ito na kung saan puno ang iba't ibang pasyalan ng mga magsing-irog na nais magsaya. Ang pinakasayang araw na ito para sa mga magkasintahan ay siya namang kabaligtaran ng mga taong patuloy na naghahanap ng kanilang true love.
         Sa paligid ng Quiapo madalas naghahanap ng kasagutan ang mga naghahanap sa kanilang truelove.May ilan na ang kinakapitan ay ang prediksyon ng mga manghuhula. May ilan namang sa mismong simbahan ng Quiapo ang tungo at ihihiling na lang ang nais. May ilan namang naniniwala na isang araw ay makakasalubong na lang nila ito, suot-suot ang mga palatandaang nilista nila sa kanilang puso. Na... nakasuot ang true love nila ng puting damit, nakapantalon at minsan pa ang iba ay nais na umuulan.
         Madalas nagmamadali tayong makita at mahanap ang ating true love,pero kadalasan din na natatagpuan natin ito sa hindi inaasahang panahon at sitwasyon. Kung kailan hindi natin naayos ang pisikal nating hitsura. Kung kailan natutunan na nating mahalin ang iba, dahil sa nainip na tayo kahihintay sa kanya. Kung saan nasa sitwasyon ka na mamimili ka pa sa taong minahal ka at mahal mo na o sa taong matagal mong hinintay na dumating. 
        Ang true love talaga ang tunay na makakapagpasaya sa atin. Kung sino ang makapagbibigay nito ay walang sinumang nakakaalam maliban sa Couple's Master List ng Panginoong Hesus. Doon nakatadhana at nakalista ang mga makakasama sa buhay at magpapamalas sa atin nag isa sa natatanging emosyon--True love
                            

TALAARAWAN: ika-27 ng Enero; 2014; Lunes


       Ngayong araw ay tatalakayin namin ang dulang Himala na naisa pelikula na . Pinagbidahan ito ni Nora Aunor nang siya'y bata pa. Bago simulan ang pagbabasa ng isa sa aming kamag-aral ay tinanong muna kami ng aming guro kung ano ang himala; sino na ang ankasaksi ng himala at sinong naniniwala sa himala at hindi naniniwala?
       Pagkatapos ay binasa na ng isa naming kamag-aral ang bahagi o script mula sa scene 1-17.

TALAARAWAN: ika-26 ng Enero; 2014; Linggo

                                          Pagbabago
Source:http://www.positivesuccessgroup.com/positive-change-management/

                  The only permanent in this world is Change
       Lahat ng bagay sa mundo ay magbabago at ang tangi mo na lang magagawa ay sumabay sa pagbabagong ito.
        Ngayong araw ay napansin ko na malaki na talaga ang pagbabago ng lugar namin. Ang dating Malawak na lupain na pinaglalaruan namin ay tatayuan na pala ng village. AAng dating Damuhan na daanan sa amin ay sementado na. Ang dating malinis na sapa sa amin ay napakarumi na. Ang dating Madaming tao sa balon malapit sa amin ay kokonti na lang. Ang dating umaapaw na tubig sa balon ay kokonti na lang . Ang dating ilang kapitbahay lang ay sobrang dami na pala.Napakalaki talaga ng pagbabago sa amin.
        Kahit malaki ang pagbabago sa amin, nanatili pa rin ang magandang pagsasamahan ng mga magkakapitbahay sa amin. Maingay pa rin at masaya. maaliwalas pa rin ang mga ngiti nila sa umaga. Masaya pa rin ang bati nila sa isa't isa . Kahit pala may malaking pagbabago ay may nanatili pa ring magagandang katangian nila. Totoo nga na pagbabagoa ng permanente sa mundo. 

TALAARAWAN: ika-25 ng Enero; 2014 ; Sabado

               Maitama ang Nakaraan O Masilip ang Hinharap?

      Ngayong araw ay nanood kami ng noontime show sa ABS-CBN na "It's Showtime" kung saan wildcard finals na ng That's My Tomboy-  isa sa mga segment sa show nila. Sa Q and A portion ay itinanong ang "Kung papipiliin ka , ano ang gagawin momaitama ang nakaraan o masilip ang hinaharapat bakit?" Napakaganda ng tanong  na ito.
      Kung ako ang sasagot sa tanong na ito , sasang-ayunan ko ang sagot ng ikalawang kalahok. Wala akong pipiliin sa dalawa . Hindi dapat nating itama ang nakaraan dahil ang mga pagkakamaling natin sa nakaraan ay nagbigay sa atin ng aral na nagagamit natin sa pamumuhay ngayon. At hindi rin dapat nating silipin ang hinaharapdahil hindi na natin magagawa ang mga bagay na dapat sana nating mgagawa kung alam na natin ang mangyayari sa hinaharap. 

TALAARAWAN: ika-21 ng Enero; 2014

     Ngayong araw ay ipinasa na namin ang tulang pandamdamin na ipinagawa sa amin ng aming guro. Pagkatapos ay nagpaskil ang aming guro ng isang kasabihang "Huwag husgahan ang libro batay sa kanyang pabalat". Nagbigay kami ng iba't ibang opinyon tungkol sa kasabihang ito. 
       Pagkatapos ay nagtawag ang aming guro ng ilan sa aking mga kamag-aral upang gumanap sa akdang aming tinatalakay- "Ang Kalupi". May isang tagapagsalaysayat ang mga napiling aktor at aktres ang gagawa ng mga sasabihin ng tagapagsalaysay.Nagbigay din ng pangkatang gawain ang aming guro na iuulat kinabukasan. 

TALAARAWAN: ika-20 ng Enero; 2014

       Ngayong araw ay mas pinag-aralan pa namin ang kahulugan ng Tulang pandamdamin. Iniugnay din namin ito sa mga makabagong awitin na isang magandang halimbawa ng tulang pandamdamin.
       Pagkatapos ay nagkaroon kami ng pangkatang gawain na kung saan kinakailangan naming gumawa ng isang tulang pandamdamin. Kinakailangan na ang bawat miyembro ay makagawa ng isang saknong na may lalabindalawahing sukat. Kinakailangan din na may iisang tema ang bawat grupo. Hindi sapat ang aming oras kung kaya't ipinapasa na lamang ito ng aming guro bukas.

Sabado, Pebrero 22, 2014

Ang kalupi ni Benjamin P. Pascual

Ang Kalupi ni Benjamin P. Pascual

Mataas na ang araw nang lumabas si Aling Marta sa bakuran ng kanilang maliit na barungbarong. Aliwalas ang kanyang mukha: sa kanyang lubog na mga mata na bahagyang pinapagdilim ng kanyang malalagong kilay ay nakikintal ang kagandahan ng kaaya-ayang umaga. At sa kanyang manipis at maputlang labi, bahagyang pasok sa pagkakalat, ay naglalaro ang isang ngiti ng kasiyahan. Araw ng pagtatapos ng kanyang anak na dalaga; sa gabing iyon ay tatanggapin nito ang diploma bilang katunayang natapos niya ang apat na taong inilagi sa mataas na paaralan. Ang sandaling pinakahihintay niya sa mahaba-haba rin namang panahon ng pagpapaaral ay dumating na. Ang pagkakaroon ng isang anak na nagtapos ng high school ay hindi na isang maliit na bagay sa isang mahirap na gaya niya, naiisip niya. Sa mapangarapin niyang diwa ay para niyang nakikita ang kanyang anak na dalaga sa isang kasuotang puting-puti , kipkip ang ilang libro at nakangiti, patungo sa lalo pang mataas na hangarin sa buhay, ang makatapos sa kolehiyo, magpaunlad ng kabuhayan at sumagana. Maaaring balang araw ay magkaroon din siya ng mamanuganging may sinabi rin naman. Nasa daan na siya ay para pa niyang naririnig ang matinis na halakhak ng kanyang anak na dalaga habang paikut-ikot nitong isinusukat sa harap ng salamin ang nagbuburdahang puting damit na isusuot sa kinagabihan. Napangiti siyang muli.

Mamimili si Aling Marta. Bitbit ng isang kamay ng isang pangnang sisidlan ng kanyang pamimilhing uulamin. Habang daan, samantalang patungo sa pamilihang bayan sa Tundo, ay mataman niyang iniisip ang mga bagay na kanyang pamimilhin. Hindi pangkaraniwang araw ito at kailangang magkaroon silang mag-anak ng hindi pangkaraniwang pananghalian. Bibili siyang ng isang matabang manok, isang kilong baboy, gulay na panahog at dalawang piling na saging. Bibili rin siya ng grabansos. Gusto-gusto ng kanyang magtatapos na anak ang minatamis na grabansos.

Mag-iikasiyam na nang dumating siya sa pamilihan. Sa labas pa lamang ay naririnig na niya ang di magkamayaw na ingay na nagbubuhat sa loob, ang ingay ng mga magbabangos na pagkanta pang isinisigaw ang halaga ng kanilang paninda, ang salit-salitang tawaran ng mga mamimili.

Linggo ng umaga at ang palengke ay siksikan. Sa harapan niya piniling magdaan. Ang lugar ng magmamanok ay nasa dulo ng pamilihan at sa panggitnang lagusan siya daraan upang magdaan tuloy sa tindahan tuloy sa tindahan ng mga tuyong paninda at bumili ng mantika. Nang dumating siya sa gitnang pasilyo at umakmang hahakbang na papasok, ay siyang paglabas na humahangos ng isang batang lalaki, at ang kanilang pagbabangga ay muntik na niyang ikabuwal. Ang siko ng bata ay tumama sa kanyang dibdib. “Ano ka ba?” ang bulyaw ni Aling Marta. “Kaysikip na ng daraanan ay patakbo ka pa kung lumabas!”

Ang bata ay nakapantalon ng maruming maong na sa kahabaan ay pinag-ilang - lilis ang laylayan. Nakasuot ito ng libaging kamiseta, punit mula sa balikat hanggang pusod, na ikinalitaw ng kanyang butuhan at maruming dibdib. Natiyak ni Aling Marta na ang bata ay anak-mahirap.

“Pasensiya na kayo, Ale’ ang sabi ng bata. Hawak nito ang isang maliit na bangos. Tigbebente, sa loob-loob ni Aling Marta. Ang bata ay takot na nakatingin sa kanya. “Hindi ko ho kayo sinasadya. Nagmamadali ho ako, e.”

“Pasensya!” – sabi ni Aling Marta. “Kung lahat ng kawalang –ingat mo’y pagpapasensiyahan nang pagpapasensyahan ay makakapatay ka ng tao.”

Agad siyang tumalikod at tuloy-tuloy na pumasok. Paano’t pano man, naisip niya, ay ako ang huling nakapangusap. Higit kong daramdamin kung ako na itong nagawan ng di mabuti ay sa kanyang pa manggagaling ang huling salita. Mataman niyang inisip kung may iba pang nakakita sa nangyari. Marahas ang kanyang pagkakapagsalita sa bata at maaaring may kakilala siyang nagdaraan na nakarinig ng kanyang mga sinabi. Dumating siya sa tindahan ng mga tuyong paninda at bumili ng ilang kartong mantika.


“Tumaba yata kayo, Aling Gondang, “ ang bati niya sa may kagulangan nang tindera na siya niyang nakaugaliang bilhan. Nakangiti siya at ang babae ay ngumiti rin.

“Tila nga ho, “ ani Aling Gondang. “Tila ho nahihiyang ako sa pagtitinda.”

Natawa si Aling Marta at pagkaraan ay dumukot sa bulsa ng kanyang bestido upang magbayad. Saglit na nangulimlim ang kanyang mukha at ang ngiti sa maninipis niayng niyang labi ay nawala. Wala ang kanyang kalupi! Napansin ng kaharap ng kanyang anyo.

“Bakit ho? anito.


“E . . . e, nawawala ho ang aking pitaka, “ wala sa loob na sagot ni Aling Marta.

“Ku, e magkano ho naman ang laman?” ang tanong ng babae.

Ang tanda niyang laman ng kanyang kalupi ay pitumpong piso na siyang bigay na sahod ng kanyang asawa nang sinundang gabi. Sabado. Ngunit aywan ba niya kung bakit ang di pa ma’y nakikiramay ang tonong nagtatanong ay nakapagpalaki ng kanyang loob upang sabihing, “E, sandaan at sampung piso ho.”

Nanatili siya sa pagkakatayo nang ilang saglit, wari’y tinakasan ng lakas, nag-iisip ng mga nakaraang pangyayari. Mayamaya ay parang kidlat na gumuhit sa kanyang alaala ang gusgusing batang kanyang nakabangga. Tumama ang siko nito sa kanyang dibdib, sa kanyang katawan! Dali-dali siyang tumalikod at patakbong lumabas. Hindi pa marahil iyon nakalalayo; may ilang sandali pa lamang ang nakaraan, ang tabas ng mukha, ang mukha, ang gupit, ang tindig. Sa labas, sa harap ng palengke na kinaroroonan ng ilang tindahang malilliit at ng mangilan-ngilang namimili at ang batang panakaw na nagtitinda ng gulay, ay nagpalingan-linga siya. Patakbo uli siyang lumakad, sa harap ng mga bilao ng gulay na halos mayapakan na niya sa pagmamadali, at sa gawing dulo ng pusisyon na di kalayuan sa natatanaw niyang karatig na outpost ng mga pulis, ay nakita niya ang kanyang hinahanap. Nakatayo ito sa harap ng isang bilao ng kangkong at sa malas niya ay tumatawad. Hindi siya maaring magkamali: ang wakwak na kamiseta nito at ang mahabang panahon na ari’y salawal ding ginagamit ng kanyang ama, ay sapat nang palatandaan upang ito ay madaling makilala. At ang hawak nitong bangos na tigbebente.

Maliksi siyang lumapit at binatak ang bata sa liig. “Nakita rin kita!” ang sAbi niyang humihingal. “Ikaw ang dumukot sa pitaka ko, ano? Huwag kang magkakaila!”

Tiyakan ang kanyang pagkakasalita; ibig niyang sa pagkalito ng bata sa pag-aapuhap ng isasagot ay masukol niyang buong-buo. Ngunit ang bata ay mahinahong sumagot:

“Ano hong pitaka? “ ang sabi. Wala ho akong kinukuha sa inyong pitaka.“

“Ano wala!” pasinghal na sabi ni Aling Marta. “Ikaw nga ang dumudukot ng pitaka ko at wala ng iba. Kunwa pa’y binangga mo ‘ko, ano ha ? Magaling, magaling ang sistema ninyong iyan. Kikita nga kayo rito sa palengke!”


Marami nang nakapaligid sa kanila, mga batang nagtitinda, lalaki at babaeng namimili. Hinigpitan ni Aling Marta ang pagkakahawak sa liig ng bata at ito’y pilit na iniharap sa karamihan.

“Aba, kangina ba namang pumasok ako sa palengke e banggain ako, “ang sabi niya. “Nang magbabayad ako ng pinamili ko’t kapain ko ang bulsa ko e wala nang laman!”

“Ang mabuti ho’y ipapulis ninyo, “sabing nakalabi ng isang babaing nakikinig. “Talagang dito ho sa palengke’y maraming naglilipanang batang gaya niyan.”

“Tena, “ang sabi ni Aling Marta sa bata. “Sumama ka sa akin.”

“Bakit ho, saan ninyo ako dadalhin?”

“Saan sa akala mo?” sabi ni Aling Marta at pinisil ang liig ng bata. “Ibibigay kita sa pulis. Ipabibilanggo kita kapag di mo inilabas ang dinukot mo sa akin.”

Pilit na nagwawala ang bata; ipinamulsa niya ang hawak na bangos upang dalawahing – kamay ang pag-alis ng mabutong daliri ni Aling Marta na tila kawad sa pakakasakal sa kanyang liig. May luha nang nakapamintana sa kanyang mga mata at ang uhog at laway ay sabay na umaagos sa kanyang liig. Buhat sa likuran ng mga manonood ay lumapit ang isang pulis na tanod sa mga pagkakataong tulad niyon, at nang ito ay malapit na ay sinimulan ni Aling Marta ang pagsusumbong. “Nasiguro ko hong siya dahil sa nang ako’y kanyang banggain, e, naramdaman ko ang kanyang kamay sa aking bulsa, “patapos niyang pagsusumbong. “Hindi ko lang ho naino kaagad pagkat ako’y nagmamadali.”



Tiningnang matagal ng pulis ang bata, ang maruming saplot nito at ang nagmamapa-sa duming katawan, pagkatapos ay patiyad na naupo sa harap nito at sinimulang mangapkap. Sa bulsa ng bata, na sa pagdating ng pulis ay tuluyan nang umiyak, ay lumabas ang isang maruming panyolito, basa ng uhog at tadtad ng sulsi, diyes sentimos na papel at ang tigbebenteng bangos.

“Natitiyak ho ba ninyong siya ang dumukot ng inyong pitaka? “ang tanong ng pulis kay Aling Marta.

“Siya ho at wala ng iba,” ang sagot ni Aling Marta.

“Saan mo dinala ang dinukot mo sa aleng ito?” mabalasik na tanong ng pulis sa bata. “Magsabi ka ng totoo, kung di ay dadalhin kita.”

“Wala ho akong dinukot na maski ano sa kanya, “sisiguk-sigok na sagot ng bata. “Maski kapkapan ninyo ‘ko nang kapkapan e wala kayong makukuha sa akin. Hindi ho ako mandurukot.

“Maski kapkapan!” sabad ni Aling Marta. “Ano pa ang kakapkapin naming sa iyo kung ang pitaka ko e naipasa mo na sa kapuwa mo mandurukot! O, ano, hindi ba ganon kayong mga tekas kung lumakad …. dala-dalawa, tatlu-tatlo! Ku, ang mabuti ho yata, mamang pulis, e ituloy na natin iyan sa kuwartel. Baka roon matulong matakot iyan at magsabi ng totoo.”

Tumindig ang pulis,” Hindi ho natin karaka-rakang madadala ito ng walang evidencia. Kinakailangang kahit paano’y magkaroon tayo ng maihaharap na katibayang siya nga ang dumukot ng inyong kuwarta. Papaano ho kung hindi siya?”

“E, ano pang ebidensya ang hinahanap mo? ang sabi ni Aling Marta na nakalimutan ang pamumupo. “Sinabi nang binangga akong sadya, at naramdaman ko ang kanyang kamay sa aking bulsa. Ano pa? Sa bata nakatingin ang pulis na wari’y nag-iisip ng dapat niyang gawain, maya’y maling naupo at dumukot ng isang lapis at isang mallit na kuwaderno sa kanyang bulsa.

“Ano ang pangalan mo? ang tanong niya sa bata.

“Andres Reyes po.”

“Saan ka nakatira? ang muling tanong ng pulis. Lumingon ang bata sa kanyang paligid, inisa– isa ang mga mukhang nakatunghay sa kanya. “Wala ho kaming bahay,” ang sagot. ” Ang tatay ko ho e may sakit at kami ho, kung minsan, ay sa bahay ng Tiyang Ines ko nakatira, sa Blumentritt, kung minsan naman ho e sa mga ko sa Kiyapo at kung minsan e sa bahay ng kapatid ng nanay ko rito sa Tundo. Inutusan nga lang ho niya ‘kong bumili ng ulam para mamayang tanghali.

“Samakatuwid ay dito kayong mag-ama nakatira ngayon sa Tundo?” ang tanong ng pulis.

“Oho, “ang sagot ng bata, “pero hindi ko nga lang ho alam ang kalye at numero ng bahay dahil sa noong makalawa lang kami lumipat at saka hindi ho ako marunong bumasa e.”


Ang walang kaawa awang tanong at sagot na naririnig ni Aling Marta ay makabagot sa kanyang pandinig; sa palagay ba niya ay para silang walang mararating; sa palagay ba niya ay para silang walang mararating. Lumalaon ay dumarami ang tao sa kanilang paligid at ang pulis na umiusig ay tila siyang –siya sa kanyang pagtatanong at pagsusulat sa kuwaderno. Nakaramdam siya ng pagkainis.

“Ang mabuti ho yata e dalhin na natin iyan kung dadalhin, “ ang sabi niya.”Pinagkakaguluhan lamang tayo ng mga tao rito ay wala namang nangyayari. Kung hindi naman ninyo kaya ay sabihin ninyo at tatawag ako ng ibang pulis.’

“Hirap sa inyo ay sabad kayo ng sabad , e” sabi ng pulis. “Buweno , kung gusto n’yong dalhin ngayon din ang batang ito, pati kayo ay sumama sa akin sa kuwartel . Doon sabihin ang gusto ninyong sabihin at doon n’yo gawain ang gusto n’ong gawain.”

Inakbayan niya ang bata at inilakad na patungo sa outpost, kasunod ang hindi umiiyak na si Aling Marta at ang isang hugos na tao na ang ilan ay pangiti-ngiti habang silang tatlo ay minamasdan. Sa harap ng outpost ay huminto ang pulis.

“Maghintay kayo rito sandali at tatawag ako sa kuwartel para pahalili, “ ang sabi sa kanya at pumasok . Naiwan siya sa harap ng bata, at ngayon ay tila maamong kordero sa pagkakatungo, sisiguk-sigok, nilalaro ng payat na mga daliri ang ulo ng tangang bangos. Luminga-linga siya. Tanghali na; ilan-ilan na lamang ang nakikita niyang pumasok sa palengke. Iniisip niya kung ilang oras pa ang kinakailangan niyang ipaghintay bago siya makauwi; dalawa, tatlo o maaaring sa hapon na. Naalala niya ang kanyang anak sa dalagang magtatapos, ang kanyang asawa na kaipala ay naiinip na sa paghihintay; at para niyang narinig ang sasabihin nito kung siya’y darating na walang dala ano man, walang dala at walang pera. Nagsiklab ang poot sa kanya sa kangina pa nagpupuyos sa kanyang dibdib; may kung anong sumalak sa kanyang ulo; mandi’y gagahanip ang tingin niya sa batang kaharap. Hinawakan niya ito sa isang bisig, at sa pagdidilim ng kanyang paningin ay pabalinghat niyang pinilit sa likod nito.


“Tinamaan ka ng lintek na bata ka! Ang sabi niyang pinanginginigan ng laman. “Kung walang binabaing pulis na makapagpapaamin sa iyo, ako ang gagawa ng ikaaamin mo! Saan mo dinala ang dinukot mo sa ‘kin? Saan/ Saan?

Napahiyaw ang bata sa sakit; ang biig nito ay halos napaabot ni Aling Marta sa kanyang balikat sa likod. Ang mga nanonood ay parang nangangapatdan ng dila upang makapagsalita ng pagtutol. Ang kaliwang kamay ni Aling Marta ay pakabig na nakapaikot sa baba ng bata; sinapo ito ng bata ng kanyang kamay at nang mailapit sa kanyang bibig ay buong pangigil na kinagat.


Hindi niya gustong tumakbo; halos mabali ang kanyang siko at ang nais lamang niya ay makaalpas sa matitisgas na bisig ni Aling Marta; ngunit ngayon, ng siya ay bitiwan ng nasaktang si Aling Marta at makalayong papaurong, ay naalaala niya ang kalayaan, kay Aling Marta at sa dumaakip na pulis, at siya ay humahanap ng malulusutan at nang makakita ay walang lingun-lingon na tumakbo, patungo sa ibayo nang maluwag na daan. Bahagya na niyang narinig ang mahahayap na salitang nagbubuhat sa humahabol na si Aling Marta, at ang sigaw ng pulis at ang sumunod na tilian ng mga babae; bahagya ng umabot sa kanyang pandinig ang malakas na busina ng ilang humahagibis na sasakyan. Sa isang sandali ay nagdilim sa kanya ang buong paligid at sa pagmumulat na muli ng kanyang paningin, sa pagbabalik ng kanyang ulirat, ay wala siyang nakita kundi ang madaliin ang anino ng kanyang mukhang nakatunghay sa kanyang lupaypay at duguang katawan.

Hindi umimik si Aling Marta habang minamasdan ang bata Maputla ang kulay ng kanyang mukha at aywan ba niya at pati siya ay tila pinanawan ng lakas. Malanig na pawis ang gumigiti sa kanyang noo at ang tuhod niya ay parang nangangalog. Hindi siya makapag-angat ng paningin; sa palagay ba niya ay sa kanya nakatuon ang paningin ng lahat at siyang binubutan ng sisi. Bakit ba ako nanganganino sa kanila? Pinipilit niyang usalin sa sarili. Ginawa ko lamang ang dapat gawin ninuman at nalalaman ng lahat na ang nangyayaring ito’y pagbabayad lamang ng bata Sa kanyang nagawang kasalanan.

Ang pulis ay nakabalik na sa outpost at sa isang ospital na tumatawag. Ang bata ay napagtulungan ng ilan na buhatin sa bangketa upang doon pagyamanin at ipaghintay ng ambulansiya kung aabot pa. Ang kalahati ng kanyang katawan, ang dakong ibaba, ay natatakpan ng diyaryo at ang gulanin niyang kasuotan ay tuluyan nang nawalat sa kanyang katawan. Makailang sandali pa, pagdating ng pulis ay pamuling nagmulat ito ng paningin at ang mga mata ay ipinako sa maputlang mukha ni Aling Marta.

“Maski kapkapan niniyo ako, e, wala kayong makukuha sa akin,” ang sabing paputul-putol na nilalabasan ng dugo sa ilong. “Hindi ko kinuha ang inyong pitaka.”

May kung anong malamig ang naramdaman ni Aling Marta na gumapang sa kanyang katawan; ang bata ay pilit na nagsasabi ng kanyang pahimakas. Ilang sandali pa ay lumulungayngay ang ulo nito at nang pulsuhan ng isang naroroon ay marahan itong napailing. Patay na, naisaloob ni aling Marta sa kanyang sarili.

“Patay na ang dumukot ng kuwarta ninyo,” matabang na sabi ng pulis sa kanya. Nakatayo ito sa kanyang tabi at hawak naman ang kuwaderno at lapis. “Siguro’y Matutuwa na kayo niyan.”

“Sa palagay kaya ninyo e may sasagutin ako sa nangyari?” ang tanong ni Aling Marta.

“Wala naman, sa palagay ko,” Ang sagot ng pulis. “ Kung may mananagot niyan ay walang iba kundi ang pobreng tsuper. Wala rin kayong sasagutin sa pagpapalibing. Tsuper na rin ang mananagot niyan , “ may himig pangungutya ang tinig ng pulis.

“Makaaalis na po kayo?” tanong ni Aling Marta.


“Maaari na”, sabi ng pulis. “Lamang ay kinakailanang iwan ninyo sa akin ang inyong pangalan at direksiyon ng inyong bahay upang kung mangangailangan ng kaunting pag-aayos ay mahingan naming kayo ng ulat.”

Ibinigay ni Aling Marta ang tinitirhan at pagkatapos ay tuwid ang tinging lumalayo sa karamihan . Para pa siyang naghihina at magulong-magulo ang kanyang isip; Sali-salimuot na alalahanin ang nagsasalimbayan sa kanyang diwa. Lumakad siya ngayon na walang tiyak na patutunguhan. Naalala niya ang kanyang anak na ga-graduate, ang ulam na dapat niyang iuuwi na, at ang nananalim, nangungutyang mga mata ng kanyang asawa sa sandaking malaman nito ang pagkawala ng pera. Magtatanong iyon, magagalit, hanggang sa siya ay mapilitang sumagot. Magpapalitan sila ng mahahayap na pangungusap, sisihan, tungayawan, at ang mga anak niyang ga-graduate ay magpapalahaw ng panangis hanggang sila ay puntahan at payapain ng mga kapitbahay.

Katakut-takot na gulo at kahihiyan, sa loob-loob ni Aling Marta, at hindi sinasadya ay muling nadako ang pinag-uugatang diwa sa banghay ng bata na natatakpan ng diyaryo, na siyang pinagmulan ng lahat.

Kung hindi sa tinamaan ng lintik na iyon ay hindi ako masusuot sa suliraning ito, usal niya sa sarili. Kasi imbi, walang pinag-aralan, maruming palaboy ng kapalarang umaasa sa taba ng iba. Mabuti nga sa kanya!

Kinakailangan niyang kumilos, umisip ng paraan. Kinakailangang kahit papaano’y makapag-uwi siya ng ulam sa pananghalian. Pagkakain ng kanyang asawa ay malamig na ang kukote nito at saka niya sasabihin ang pagkawala ng pera. Maaaring magalit ito at ipamukha sa kanya, tulad ng madalas na sabihin nito, na ang lahat ay dahil sa malabis niyang paghahangad na makapagdala ng labis na salaping ipamimili, upang makapamburot at maipamata sa kapwa na hindi sila naghihirap. Ngunit ang lahat ay titiisin niya, hindi siya kikibo. Ililihim din niya ang nangyaring sakuna sa bata; ayaw ng kanyang asawa ng iskandalo; at kung sakali’t darating ang pulis na kukuha ng ulat ay lilihimin niya ito. At tungkol sa ulam mangungutang siya ng pera sa tindahan ni Aling Gondang at iyon ang kanyang ipamimili – nasabi niya rito na ang nawala niyang pera ay isang daan at sampung piso at halagang iyon ay napakalaki na upang ang lima o sampung ay ipagkait nito sa kanya bilang panakip. Hindi iyon makapahihindi. May ngiti ng kasiyahang naglalaro sa manipis na labi ni aling Marta nang ipihit niya ang kanyang mga paa patungong pamilihan.

Tanghali na nang siya ay umuwi. Sa daan pa lamang bago siya pumasok sa tarangkahan, ay natanaw na niya ang kanyang anak na dalaga na nakapamintana sa kanilang barung-barong. Nakangiti ito at siya ay minamasdan, ngunit nang malapit na siya at nakita ang dala ay napangunot-noo, lumingon sa loob ng kabahayan at may tinawag. Sumungaw ang payat na mukha ng kanyang asawa.

“Saan ka kumuhang ipinamili mo niyan, Nanay?” ang sabi ng kanyang anak na ga-graduate.

“E… e,” hindi magkandatutong sagot ni Aling Marta. “Saan pa kundi sa aking pitaka.”

Nagkatinginan ang mag-ama.

“Ngunit, Marta,” ng sabi ng kanyang asawa , “Ang pitaka mo e naiwan mo! Kanginang bago ka umalis ay kinuha ko iyon sa bulsa ng iyong bestidong nakasabit at kumuha ako ng pambili ng tabako, pero nakalimutan kong isauli. Saan ka ba kumuha ng ipinamili mo niyan ?”

Biglang –bigla, anaki’y kidlad na gumuhit sa karimlan, nagbalik sa gunita ni Aling Marta ang larawan ng isang batang payat, duguan ang katawan at natatakpan ng diyaryo, at para niyang narinig ang mahina at gumagaralgal na tinig nito; Maski kapkapan ninyo ako, e wala kayong makukuha sa ‘kin. Saglit siyang natigilan sa pagpanhik sa hagdanan; para siyang pinangangapusan ng hininga at sa palagay ba niya ay umiikot ang buong paligid; at bago siya tuluyang mawalan ng ulirat ay wala siyang narinig kundi ang papanaog na yabag ng kanyang asawa’t anak, at ang papaliit at lumalabong salitang: Bakit kaya? Bakit kaya?

Pinagkuhanan ng akda: http://magbasanatayo.blogspot.com/2010/05/ang-kalupi-ni-benjamin-p-pascual.html

TALAARAWAN: ika-15 ng Enero;2014

      Ngayong araw ay ipinasa na ang takdang-aralin namin tungkol sa paghanap ng kopya ng isang awiting patungkol sa mga ina.Ang napili kong kanta para kay mama ay ang kanta ni Carol Banawa na may pamagat na "Awit Kay Inay" 

Awit Kay Inay Ni Carol Banawa

May hihigit pa ba sa isang katulad mo
Inang mapagmahal na totoo
Lahat nang buti ay naroon sa puso
Buhay man ay handang ialay mo
Walang inang matitiis ang isang anak
Ika'y dakila at higit ka sa lahat

Ang awit na ito ay alay ko sa iyo
Ang himig at titik ay pag-ibig sa puso ko
Ika'y nagiisa Ikaw lang sa mundo
Ang may pusong wagas ganyan ang tulad mo

Lahat ibibigay lahat gagawin mo
Ganyan lagi ikaw sa anak mo
Lahat nang buti nya ang laging hangad mo 
Patawad ay lagi sa puso mo....

Walang inang matitiis ang isang anak
Ika'y dakila at higit ka sa lahat

Ang awit na ito 
Ay alay ko sa iyo
Ang himig at titik ay pag-ibig sa puso ko
Ikay nag-iisa ikaw lang sa mundo 
Ang may pusong wagas ganyan ang tulad mo

Pinagkuhanan ng liriko: http://www.lyricsmode.com/lyrics/c/carol_banawa/awit_kay_inay.html