Sabado, Disyembre 13, 2014

Taglay nating Lahat

Kahinaan.

     Ang bagay na matagal ko ng sinasaliksik at hinahanap. Matagal na ang pananabik kong malaman kung ano ang aking kahinaan. kung ano ang magpapakaba nang matindi at magpapahikbi sakin. Alam kong dapat matagal ko na itong alam. Ngunit hindi, kamakailan ko lang nadiskubre. Kung saan naramdaman ko ang lahat, napahikbi, makailang ulit na napabuntung-hininga, at kinabahan nang malala. At doon ko napagtanto ang lahat. Alam ko na kung ano ang kahinaan ko. Ito na nga marahil iyon. Hindi ko kaya ang mag-isa. Ayoko ang mag-isa. Hindi ako sanay sa pag-iisa.
      Sa mga oras na iyon ayokong ipakita ang takot at kahinaan ko. Ayokong umiyak sa harapan ng isang tao. Ayokong magmukhang mahina sa harapan niya kahit gustong-gusto ko na ang lumuha. Ang nasabi ko na lang ay "naiinis ako". Pariralang alam kong naguluhan siya kung ano ang ibig sabihin. Naiinis ako dahil nalaman ko na kung anong matagal ko ng gustong malaman. At ito ang kinaiinisan ko, gusto ko siyang malam ngunit ayaw kong maranasan. Ayaw kong ipakitang natatakot ako nung mga panahon na iyon. Ang gusto ko lang ay bumilis ang oras ang matapos na ang mga sandaling iyon. Gusto kong mawala na sa ganoong sitwasyon kung saan wala ako sa tabi ng mga taong komportable ako. Wala ako sa tabi ng pamilya ko. Mahirap, ngunit kailangan kong hinitayin ang oras na tila nang-aasar at parang mas bumagal pa.
         Hanggang dumating na nga ang panahon na kung saan iiwan ko na ang ganoong sitwasyon. Iiwan ko na ang ganoong pakiramdam. Kung saan magmumukhang normal ulit ang lahat. Kung saan hindi ko ramdam ang ganoong pakiramdam. Sa ganitong panahon, makakatawa na ulit ako, makakausap na ako nang matino. At makakahinga na ako nang maayos, maluwag at walang kabang haharang dito. Sa wakas at natapos ang mga oras na iyon.
        Alam kong muli kong mararanasan yon!. Pero sana bago yun ay malagpasan ko muna ang ganoong pakiramdam, At sana matuto akong mag-isa. Dahil mukhang iyon ang gustong iparating sakin ng karanasan kong iyon. Nais saking ipagtanto ng buhay na hindi ko laging makakasama ang mga taong malapit sakin(ang pamilya). Hindi ko sila laging makakapitan. Sana matutunan ko na ang ganitong bagay at mapag-aralan ang mag-isa sa buhay.
        At sa taong nakasama ko sa panahong iyon, pasensya na, hindi lang ako sana'y sa ganoong sitwasyon, hindi ko lang alam kung paano haharapin ang ganoong sitwasyon, wala akong sapat na karanasan para malaman kung tama pa ba ang ginagawa ko. Muli, pasensya na.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento