Dahil nasa isang kuwarto lang ako ng maraming kahong may ilaw at mga kabataang nakaharap dito, hinahabol ako ngayon ng pulang numerong ang pagbibilang ay pabaligtad na nasa gilid ng kahong may ilaw. Dahil sa mga pangyayaring kailangan kong gawin, naalala kong may isa modernong kwaderno pala akong matagal ko nang hindi nabibisita. Isang makabagong sulatang matagal nang naghihintay sa pagsulyap ko sa kanya. At ngayon, biglang may humapas sa aking isipan na may kailangan akong isulat at ibahagi. May mga taong nagpamulat sa akin na kailangan kong magmadali, sa mga gawain, at mga gagawin pa. Na.. para bagang talagang mauubos at mawawala ang pulang numerong kanina pa ang pagbibilang nang paatras.
Gusto ko pa sanang humalungkat ng mga bagay na maaaring magpasaya sa akin mula sa maliit na kahon na ito. Ngunit ang bulong mula sa isang tao na nagsasabing marami akong kailangang gawin at ang bahagi ng utak kong umaalala na isa akong mag-aaral na may mga gawaing nakaatas ang pumipigil. Idagdag mo pa ang mga pulang numerong hindi napapagod sa pagbibilang nang paatras.
Ang saglit na pagbisita ko sa modernong kwadernong ito ay nakapagpabawas sa mga panahong sana'y nagampanan ko na ang kailangan kong gampanan. Ngunit walang pagsisisi sa aking sarili, hindi ko mapigil na magsalita ang utak ko na ako lang ang nakaririnig. Mga salitang gusto kong ibahagi sa lahat.
Kahit nabawasan ang oras na magagamit ko sa paggawa sana ng mga bagay na inatas sa akin ay hindi ko ito pinagsisihan. At kahit mabigyan pa ako ng pagkakataong mabago ang naging desisiyon ko ay hindi ko na babaguhin. Masaya na ang mga naiisip ko ay nailalagay ko sa munting kwadernong ito.
At kahit ang pulang numerong nasa harapan ko ay hindi makakahadlang sa gusto kong gawin. At kahit na may munting tinig akong naririnig ay hindi pa rin nito ako mapapahinto. Alam kong mahalaga sila dahil hindi na sila muling maibabalik pa, ngunit walang pakahulugan at intensyon sila na mapigil ang mga bagay na mkapagpapasaya sa atin.
Gusto lamang iparating ng pulang numerong nasa harapan ko na kahit limitado sila at hindi na maaaring gamitinpan muliy kailangan nating sulitin ang lahat, kasabay ng hindi paglimot sa mga bagay na kailangan nating gawin.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento