Kaibigan, Ugat Ng Asahan
Sanaysay ni: Karen M. Serada
Bahagi ito sa kantang “Count on Me” ng
isa sa sikat ngayon sa larangan ng pagkanta na si Bruno Mars. Sa kantang ito
pinapatungkulan ang pagtutulungan ng mga magkakabarkada, mga mag-tol at ang iba
pang mga magkakaibigan. Madalas nabibigyan natin ng maling interpretasyon ang
tulungan na kung minsan humahantong na sa asahan. May malaking kaibahan ang
tulungan sa asahan. Ang tulungan ay ang pagtulong mo sa isang tao na hindi mo
ito obligasyon samantalang ang asahan naman ay ang pagtulong niyo sa isa’t isa
na obligado niyo itong gawin. Hindi masama ang tumanggap ng tulong at tumulong
sa mga kaibigan ngunit nagiging masama lang ito kung sayo na umaasa ang iyong
kaibigan o sa kabilang banda ikaw na ang umaasa sa kanila.
Sabi sa isang sikat na kasabihan “ No
Man is an Island”, na nangangahulugang kailangan talaga natin ng makakasama sa
buhay- ng kaibigan. Pero walang sinabi ang kasabihang ito na kailangan mong asahan
ang mga kaibigan mo. Walang sinabi na dapat kang tumulong habangbuhay sa
kanila. Walang sinabi na dapat kang umasa sa kanila habangbuhay. Totoo,
makakahanap tayo ng kaibigang panghabangbuhay pero hindi ito nangangahulugan na
may pwede kang asahang panghabangbuhay.
Sa paaralan, kitang-kita ang mga
kaibigan talaga ang ugat ng asahan. Halimbawa, natawag si Juan ng biglaan sa
klase pero hindi niya alam ang tamang sagot, at dahil kaibigan ni Pedro si Juan
nariyan siya at pasenyas-senyas at pabulong-bulong ng tamang sagot. Hindi ba’t
imbis na mapagtanto ni Juan na mag-aral ng mabuti para sa susunod na matawag
siya ay makakasagot na siya ng tama ay iisipin niya na lang umasa kay Pedro.
Isa pa, kapag nagkaroon kayo ng biglaang pagsusulit sa matematika, hindi na
naman nakapag review si Juan at nakita ni Pedro na wala siyang
maisagot, at dahil hindi alam ni Pedro ang tunay na kahulugan ng kaibigan
pakokopyahin niya na lang si Juan. At dahil nagawa ni Pedro ito, iisipin ng
ilan sa atin bilang mga Juan na umasa na lamang sa kanya .
Ang mundo ay malupit at ang tanging
maasahan mo lang ay ang iyong sarili. Sabihin na natin na nakapagtapos ka ng
kolehiyo pero umasa ka lang naman sa iyong kaibigan kaya ka nakapagtapos.
Ngunit, ang kursong napili mo ay may tinatawag na bored exam para magkaroon ka ng lisensya. Paano yan, hindi mo
kaibigan ang naging katabi o kasama sa kuwarto kung saan kayo magkakaroon ng
pagsusulit? Sinong aasahan mo? Sinong kokopyahan mo? Hindi ba wala? Sa tunay na
mundo hindi mo laging kasama ang iyong kaibigan kaya dapat marunong kang
mag-isa at humarap sa mundo ng mag-isa.
Sa paghusga ng mundo sa iyo hindi ang
mga kaibigan mo ang ihaharap mo, hindi talino ng iba ang ipanglalaban mo, hindi
karanasan nila ang ipagmamalaki mo kung hindi ang sarili mo- sariling karanasan
at talino. Ang magiging husga ng mundo sa iyo ay maaaring maging maganda o
hindi at nasasaiyo na naman ang desisyon kung anong gusto mong maging tingin
nila sa iyo.
Pinagkuhanan ng larawan: google.com
Pinagkuhanan ng larawan: google.com

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento