"Do you think this year is your best year"
--- Boy Abunda to Alex Gonzaga
Hindi ko alam kung paano sisimulan ang post na ito. Kung paano ko ikukuwento ang buong taon. Kung paano ko nanamnamin at aalalahanin ang mga nangyari sa nakalipas na tatlong daan animnapu't limang araw. Kung paano magkakasya lahat sa isang post na ito. Kung paano ako magpapasalamat sa lahat ng blessings na natanggap ko Kung paano ko sasagutin ang ganiyang tanong. Kung paano ko mapapatunayan na naging masaya ako. Kung paano? Siguro'y ganito na lang.
Humiling ako sa Kaniya na sana ay maging maayos ang buong taon ko na ito. Hindi naman sa hiniling ko na walang problema pero hiniling ko na sana ay magkaroon ako ng lakas at kakayahan para lagpasana ang mga ito. Kung susumahin, ay walang mabigat na problema ang dumating. Kung baga, keribels lang ang lahat. Nalagpasan ko ang lahat. Oo, bata pa ako para sa mga salitang iyan. Kung may nakakakilala sa akin ay parang wala sa bokubularyo ko yan. Oo! Dahil mas pinipili kong 'wag ipaalam sa mga taong nakapaligid sa akin ang mga problema ko. Pero, uulitin ko, hindi ganoon kabibigat ang mga dumating sa akin. Nagpapasalamat ako sa Kaniya. Siya na dapat purihin at pasalamatan!.
Dumating na ang panahon na kailangan ko ng pumasok bilang nasa ikaapat na taon sa hayskul. At ito na, humiling ako na maging masaya sa huling taon ko. Maging masaya lang ay ayos na ako! At higit pa doon ang binigay Niya! Sa loob ng halos pitong buwan na nilalasap ko ang biyaya at "answered prayer" ko mula sa Kaniya, ay naging sobrang saya ko. Maligaya pa nga! Dumating ang mga kaibigang mas nagbigay kulay sa mga buwan na ito. Ang mga "first time" ay nagawa ko. Di ko man maiisa-isa ay hindi naman mawawala yon sa isipan ko. Masaya!- Sobrang saya! Ang makabilang sa isang organisasyong pampaaralan ay isang blessing. Bonus pa ang maging isa sa mga opisyal nito. Sa loob ng ilang buwan na iyan ay nagawa ko ang mga bagay na makakapagpasaya sa akin. Nagawa ko ang magsulat at magsulat na siyang gustong- gusto kong gawin. Oo, masaya.
Syempre, hindi mawawala ang mga pangyayari sa loob ng tahanan namin. Mga pangyayari at kaganapang mas nagpatibay sa pagsasama namin sa loob ng tahanan na iyon. Masaya. Salamat muli sa Kaniya.
Hindi ko man masasabi na ito na ang best year ko, pero isa ito sa pinakamasayang taon ko. Salamat sa mga taong nagbigay kulay sa taong ito. Salamat sa mga taong nagtiwala sa akin. At higit sa lahat salamat sa Kaniya.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento