Martes, Hulyo 22, 2014

Hindi pala kangkong :)

Image result for larawan ng kangkong

Sa lamig na dala ng hangin at ulan, isang hapon, inutusan ako ng aking nanay na pumunta sa palengke at bumili ng kalahating manok, isang pirasong sayote, maliit na luya at isang tali ng dahon ng sili. Walang reklamo akong sumunod sa kanya dahil sa tinola ang lulutuin niya.


         Sa aking paglalakad papunta sa palengke ay may mga bagay na napansin ako- dahilan para mag-isip ang utak ko ng kung ano-anong bagay. Nariyan ang mga tanong na : Bakit kaya pahinto-hinto ang ulan? Pwede namang isang bagsakan na lang para wala na mamaya. Bakit kaya nag-aaway ang magkapatid na nasalubong ko? O? Magkapatid kaya sila? ( Magkamukha naman e.) Bakit kaya kapag umuulan ng madalas ay nagagalit tayo pero kapag umaraw naman ay nagagalit pa din tayo?  Mga tanong na pumasok sa utak ko na naging dahilan para lumagpas ako sa tindahan na pagbibilhan ko. Buti na lang at ilang hakbang lang ang nilayo ko sa tindahan na iyon. Binili ko na ang mga dapat kong bilhin.
           Sinimulan ko na ang paglalakad pauwi. Bumuhos na naman ang malakas na ulan. At maya-maya'y tumigil na naman. Hindi ko na binalak pang tiklupin muli ang aking payong. Habang naglalakad na naman ako ay may sumagi sa aking isip. May mga bagay pa pala akong hindi nagagawa na may kaugnayan sa aking pag-aaral. Inisip ko sila at paano ko sisimulan. Hindi ko namalayan na malapit na pala ako sa bahay namin. Sa dami ng naisip ko ay inakala kong natagalan ako sa pamimili.
               Nang binuksan ko na ang pinto ng bahay namin ay iniabot ko na sa aking nanay ang mga ipinag-utos niya. "Bakit kangkong 'to?!" bulalas niya sa akin. Nagulat ako at nasabi na lang ang mga katagang "hindi pala kangkong". Nanahimik ang nanay ko at alam kong galit siya. Bakit ba kasi kangkong ang binili ko gayu'ng alam ko naman na tinola ang lulutuin niya?

Pinagkuhanan ng larawan: Google.com

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento